
Tiniyak ng Department of Justice (DoJ) na hindi makakaapekto sa isinasagawa nilang imbestigasyon ang pag-leave ng dalawang Philhealth officials na una nang pinatawag sa imbestigasyon ng Senado.
Ayon kay DoJ Usec. at Spokesman Markk Perete, magbabase naman daw muna ang kanilang imbestigasyon sa mga testimonial at documentary evidence kaya hindi masasagasaan sa kanilang imbestigasyon ang pagliban nina PhilHealth chief Ricardo Morales at PhilHealth executive vice president (EVP) & Chief Operating Officer (COO) Arnel de Jesus sa trabaho.
Sa katunayan, sa kasagsagan umano ng kanilang imbestigasyon ay puwede pa nilang suspendehin ang mga sangkot sa katiwalian sa Philhealth.
Naniniwala rin si Perete na kapag kailanganin na magiging available na ang mga opisyal ng Philhealth ay mabuti na ang kanilang mga kalagayan.
Dagdag ni Perete, sapat na rin ang isang buwan na imbestigasyon na isasagawa ng Task Force Philhealth matapos ipag-utos ng Pangulong Rodrigo Duterte na bumuo ang DoJ ng task force na mag-iimbestiga sa korapsiyon sa loob ng Philhealth.
Kaninang umaga nang sumulat kay Senate President Vicente Tito Sotto III ang dalawang opisyal ng Philhealth para ipaalam na hindi sila makakadalo sa pagdinig kaugnay ng katiwalian sa ahensiya.
Ang kampo ni Morales ay nagpadala mismo ng kopya ng medical certificate sa Senate Committee of the Whole na nagsasabing sumasailalim ito sa chemotheraphy sa Cardinal Santos Medical Center at inadvice ng doktor na mag-leave dahil vulnerable ito sa infection.
Habang si de Jesus ay sumulat din sa Senado para ipaalam na hindi ito makakadalo sa ikalawang pagdinig sa Martes dahil daw sa “unforeseen emergency.”
Nagpadala rin si De Jesus ng medical certificate mula sa Asian Hospital and Medical Center.
Tiniyak naman ni De Jesus na magpapakita ito sa pagdinig sa Senado kapag bumuti na ang kanyang kalagayan.
Hiniling din nitong irespeto raw sana ang kanyang privacy sa panahong ito.
















