Inamin ng personal lawyer ni US President Donald Trump na si Rudy Giuliani na hindi raw nito batid na iniimbestigahan ito dahil sa umano’y pagkakadawit nito sa Ukraine scandal.
Ayon kay Giuliani, isa lamang “political attack” ang pagsailalim sa kanya sa federal investigation.
Bago ito, ipinagtanggol ni Trump si Giuliani kung saan tinawag pa nito na “shameful” ang pagsiyasat sa kanyang abugado.
“So now they are after the legendary ‘crime buster’ and greatest Mayor in the history of NYC, Rudy Giuliani,” saad ni Trump sa isang tweet.
“He may seem a little rough around the edges sometimes, but he is also a great guy and wonderful lawyer. Such a one sided Witch Hunt going on in USA. Deep State. Shameful!” dagdag nito.
Una nang iniulat ng New York Times na sinisilip umano ng federal prosecutors sa Manhattan kung may ginawang paglabag si Giuliani sa foreign lobbying laws sa kanyang pakikipag-ugnayan sa Ukraine.
Hindi rin ligtas ang dalawa sa kanyang mga business associates, sina Lev Parnas at Igor Fruman, na una nang dinakip ng mga otoridad dahil sa campaign finance violations.
Inamin na rin ni Giuliani na nakipagtulungan daw ito sa mga Ukrainian prosecutors upang kumuha ng mga impormasyon laban kay Democratic presidential hopeful Joe Biden, na isa sa mga makakatunggali ni Trump sa halalan sa susunod na taon. (AFP/ CNN)