Sinabi ni U.S. President Donald Trump nitong Sabado na ilalagay ng Estados Unidos sa pansamantalang kontrol ng Amerika ang Venezuela matapos umanong madakip si Venezuelan President Nicolas Maduro sa isang secreat operation at nakatakdang dalhin sa New York upang harapin ang mga kasong may kaugnayan sa drug trafficking.
“We will run the country until such time as we can do a safe, proper and judicious transition,” pahayag ni Trump sa isang press conference sa Florida. Ayon sa kanya, layunin ng hakbang na tiyaking hindi mapupunta sa mapagsamantalang lider ang mamamayan ng Venezuela.
Sinabi pa ni Trump na papasok ang mga malalaking kompanya ng langis mula sa Estados Unidos sa Venezuela upang ayusin ang malubhang napinsalang oil infrastructure ng bansa, na may pinakamalalaking reserba ng langis sa buong mundo. Ayon sa mga eksperto, maaaring abutin ng ilang taon bago ganap na maibalik ang kapasidad ng sektor ng enerhiya ng Venezuela.
Gayunman, binatikos ng ilang kritiko ng administrasyon na ang plano sa oil infrastructure ng Amerika sa Venezuela ay upang pagtakpan ang operasyon laban kay Maduro at ang serye ng nakamamatay na missile strikes laban sa umano’y mga drug-smuggling boats na bahagi lamang umano ng law enforcement effort para pigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa Estados Unidos.
Ayon kay Trump, ang operasyon ng US Special Forces ay nagdulot ng pagkawala ng kuryente sa ilang bahagi ng Caracas. Dito raw nadakip si Maduro malapit sa isa sa kanyang mga pinagtataguan.
Sinabi rin ni Trump na si Maduro at ang kanyang asawa na si Cilia Flores ay dinala muna sa isang US Navy ship bago inilipad patungong Estados Unidos noong Sabado ng gabi (araw sa Amerika).
















