Target ng Pilipinas at Japan na i-revisit ang pag-aaral noong 2014 kaugnay sa epekto ng malakas na lindol mula sa West Valley Fault.
Ayon kay Dr. Teresito Bacolcol, director ng Philippines Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), planong muling buksan ang naturang pag-aaral sa pagitan nila ng Japan International Cooperation Agency (JICA) sa susunod na taon at may nagpapatuloy na aniyang pag-uusap ukol dito at inaantay na lamang ang ilang mga paglagda.
Aniya, ang naturang pag-aaral ay 20 taon na at buhat noon dumami pa ang populasyon sa Metro Manila. Ayon kay Dr. Bacolcol, isinagawa noong 2004 pa ang pag-aaral na tinawag na Metro Manila Earthquake Impact Reduction study na pinondohan ng Japan, kung saan nakalatag dito ang risk assessment sa posibleng magnitude 7.2 na lindol mula sa West Valley Fault.
Saad pa ng opisyal na kapag gumalaw na ang West Valley Fault, ang buong rehiyon ay makakaranas ng nasa Intensity 8 na pagyanig na aniya’y mapaminsala.
Sa Metro Manila pa lamang ay maaaring pumalo sa 33,000 ang posibleng masasawi at maaaring sumampa pa sa 48,000 kung isasama ang iba pang mga probinsiya. Tinataya ding nasa 114,000 katao ang posibleng masugatan, base sa pag-aaral.
Ayon kay Dir. Bacolcol, inaasahang makukumpleto ang pag-aaral sa loob ng dalawang taon kung saan ang JICA ang sasagot sa magagastos habang ang Pilipinas naman ang magbibigay sa ahensiya ng mga datos.