Bibigyan ng pamunuan ng Philippine Air Force (AFP) ng pagsasanay sa ‘Search and Rescue’ ang mga sibilyan na agad rumesponde sa nangyaring pagbagsak ng C-130 sa Patikul, Sulu.
Ayon kay Tactical Operations Wing Western Mindanao commander, Col. Dennis Estrella, layon nito na mabigyan ng pormal na kaalaman ang mga sibilyan na unang rumesponde sa mga sundalong naipit sa C-130 incident.
Ang nasabing training ay bahagi ng pasasalamat ng pamunuan ng PAF sa pagnanais ng commanding general nito na si Lieutenant General Allen Paredes na matulungan at mas maisayos ang mga buhay ng mga residente na agarang rumesponde.
Paliwanag pa ni Colonel Estrella, ang pormal na Search and Rescue Training ay upang mas makatulong pa ang mga ito sa kanilang komunidad.
Kapag nakatapos ng training ay mapapabilang ang mga sibilyan sa 505th Search and Rescue Auxiliaries.
Bibigyan din ng basic rescuer uniform at equipment ang mga sibilyan na tumulong sa pakikipagtulungan ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office o PDRRMO ng Jolo.
Nagpahayag naman ng positibong reaksyon at excitement ang mga sibilyan sa gagawin na Search and Rescue Training.