-- Advertisements --

Nanawagan si Senator Robin Padilla sa administrasyon na unahin ang pagpapabuti ng suplay ng kuryente at sistema ng pampublikong transportasyon sa bansa bago isulong ang planong pagpapalipad ng rocket sa kalawakan.

Sa kanyang Kontra-SONA sa Senado, sinabi ni Padilla na dapat bigyan ng mas malaking kapangyarihan ang mga local government unit (LGU) sa pagpapaunlad ng mga proyekto sa enerhiya, lalo na sa mga malalayong lalawigan na madalas makaranas ng brownout.

“Bakit hindi po kami payagan na magkaroon ng autonomy, na bigyan kami ng kapangyarihan sa malalayong lugar, katulad ng pag-decentralize o pagdi-devolve ng ilang aspeto ng energy development?”, ani Padilla.

Hiniling din ng senador na mapabilis ang proseso ng pagtatayo ng mga power plant upang matugunan ang kakulangan sa suplay ng kuryente sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Bukod dito, iginiit ni Padilla ang pangangailangang pagbutihin ang sistema ng transportasyon, partikular sa Bicol Region. Aniya, umaabot pa rin sa halos 12 oras ang biyahe mula sa Metro Manila patungong Bicol.

Iminungkahi rin niya ang muling pagsusulong ng proyekto para sa bullet train na mag-uugnay sa Metro Manila at Bicol upang mapabilis ang biyahe ng mga pasahero.

Bagama’t suportado niya ang plano ng pamahalaan na magpalipad ng rocket sa kalawakan sa 2027, sinabi ni Padilla na mas dapat unahin ang mga proyektong direktang makatutulong sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino.

“Napag-usapan ang napakagandang plano, ‘yung rocket. Ako po natutuwa dyan dahil nung bata ako, ako ay taga-hanga…pangarap ‘yan ng bawat bansa pero sana ang kahilingan ko po, bago bayo makarating dyan, maayos muna ang transportasyon namin sa Bicol,” dagdag ni Padilla.

Samantala, nagpahayag din siya ng suporta sa panukalang Freedom of Information Bill at sa panukalang pagbabawal sa paggamit ng social media ng mga menor de edad.