Nakahanda si 8-Division World Boxing Champion Manny Pacquiao na harapin si undefeated boxer Floyd Mayweather Jr.
Matapos ang laban nina Pacquiao at Welterweight belter Mario Barrios, natanong ang Pinoy boxer kung handa at kung nais niyang labanan si Mayweather, ang isa sa mga bigating boksingero na dating tumalo sa kaniya.
Giit ni Pacquiao, mahirap pa ring magsalita ukol sa isang fighter na nagretiro na sa kaniyang paglalaro.
Gayonpaman, kung lalabas aniya si Mayweather mula sa kaniyang retirement at pumirma ng kontrata, handa siyang labanan ang undefeated boxer.
Mula noong nangyari ang laban nina Pacquiao at Mayweather noong 2015, nananatiling usap-usapan ang isang rematch sa pagitan ng dalawa habang maraming boxing promoter din ang nagpahayag ng kagustuhang magandap ang rematch.
Ang naturang laban, na tinaguriang ‘megafight’, ay isa sa pinakamalaking laban sa kasaysayan ng boksing. Batay sa public records, humakot ito ng hanggang $400 million pay-per-view. Ito ay katumbas ng P22.892 billion.
Binigyang-diin ni Pacquiao na kung gusto ni Mayweather ay handa siyang humarap at wala siyang magiging problema rito, ngayon at muli siyang aktibo sa professional boxing.
Aniya, hindi niya pinipili ang kaniyang mga kalaban at lahat sila ay kaniyang lalabanan sa ilalim ng mga weight division na kaniyang hawak.