Bigong makabalik sa politika sa national races ang pamilya Pacquiao matapos matalo sa mga congressional at senatorial races sa katatapos lang na 2025 midterm elections.
Maaalalang ‘di nakapasok si Manny Pacquiao sa “Magic 12” ng Senado, matapos makakuha lamang ng 10.3 milyong boto at pumuwesto sa ika-18 na ranggo. Ito ang unang pagkakataon na muling tumakbo si Pacquiao sa national post mula nang matalo sa pagkapangulo noong 2022.
Natalo rin ang kanyang asawa na si Jinkee Pacquiao, na tumakbo bilang ikalawang nominee ng MPBL party-list, na nakakuha lamang ng 23,189 boto at pumuwesto sa ika-149. Habang si Bobby Pacquiao, kapatid ni Manny at dating kongresista, ay hindi rin nagwagi bilang nominee ng 1-PACMAN party-list, na nagtala ng 233,096 boto at nasa ika-63 na pwesto.
Sa kabila ng pagkatalo sa national level, nanatiling matatag ang Pacquiao family sa lokal na Halalan kung saan muling nahalal bilang gobernador ng Sarangani si Rogelio Pacquiao na may 155,090 boto, Lorelie Pacquiao na muling nanalong alkalde ng General Santos City na may 147,992 boto, at si Michael Pacquiao –na nanalong konsehal ng lungsod na may 108,604 boto.
Samantala, balik boxing career ang Peoples Champ matapos makarating na sa Los Angeles para magsimula ng kanyang training bilang paghahanda sa nalalapit niyang laban kay WBC champ Mario Barrios na gaganapin sa Hulyo, 2025.