-- Advertisements --

Pinwersa ng Indiana Pacers ang overtime laban sa New York Knicks kasunod ng matagumpay na comeback sa huling quarter ng Game 1 sa eastern conference finals.

Sa unang tatlong quarter ng laro ay naging dominante ang Knicks at nagawang mapanatili ang ilang puntos na kalamangan.

Pagpasok ng 4th quarter, agad umarangkada ang Knicks at ipinoste ang 18-5 run sa unang limang minuto at dinala ang laro sa 108-92.

Pinilit naman ng Pacers na baliktarin ang sitwasyon at unti-unting bumangon mula sa 16-point deficit at sa loob ng anim na minuto ay nagawa nitong mailapit ang score sa 118-123, tatlumpu’t apat na segundo bago tuluyang matapos ang 4th quarter.

Sa huling 30 segundo, dalawang free throw na lamang ang naidagdag ng Knicks sa pamamagitan ni OG Anunoby habang magkakasunod na naipasok ng Pacers ang isang tres, 2-point shot, at dalawang free throw, daan upang iposte sa all-125 ang score at dalhin ito sa overtime.

Sa limang-minutong overtime, magkasunod na nagpasok ng dalawang 2-point shot ang Knicks at hindi agad nakasagot ang Pacers.

Sa pagtatapos ng 3-min mark, nagpasok si Pacers guard Andrew Nembhard ng tres. Sinundan pa niya ito ng isang driving layup, at ipinoste ang isang puntos na kalamangan. Mula dito ay hindi na nagpabaya ang Pacers hanggang sa huling sandali at ipinoste ang 13-10 run sa kabuuan ng overtime.

Sa panalo ng Indiana, panibagong double-double ang ginawa ng All-Star guard na si Tyrese Haliburton at nagbulsa ng 31 points at 11 rebounds habang 30 points naman ang kontribusyon ng forward na si Aaron Nesmith. Nagawa naman ni Nembhard na magpasok ng 15 points, kasama ang clutch performance sa OT.

Hindi naging sapat ang 43-point performance ni Jalen Brunson at ang 35 pts., 12 rebounds ng bigman na si Karl-Anthony Towns, para maisalba ang Knicks sa unang game.

Gaganapin ang Game 2 sa pagitan ng dalawang team sa May 24.