-- Advertisements --

Binigyang diin ni House Appropriations Committee Vice Chair Zia Alonto Adiong na isinagawa na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagbabalik ng ₱60 bilyong pondo sa Philippine Health Insurance Corporation, o PhilHealth.

Ayon kay Adiong, ang hakbang na ito ay bilang agarang tugon sa direktiba na nagmula mismo kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Aniya, ginawa ito bago pa man ilabas ng Korte Suprema ang isang utos na nag-uutos na maibalik ang nasabing pondo sa pamamagitan ng 2026 national budget.

Ang pahayag na ito ni Adiong ay isang direktang tugon sa naunang pahayag ni Cardinal Pablo Virgilio David, kung saan binigyang-diin niya na hindi dapat simpleng “backfilling” lamang ang gawin, kundi dapat ding habulin at imbestigahan ang mga indibidwal o grupong umano’y nakinabang o kumita mula sa paglilipat ng pondo.

Mula sa orihinal na ₱53 bilyong alokasyon para sa PhilHealth para sa taong 2026, dinagdagan pa ito ng buong ₱60 bilyon, kaya’t ang kabuuang alokasyon ay umabot na sa ₱113 bilyon sa ilalim ng budget na inaprubahan ng Kamara.