Iniulat ng Commission on Audit (COA) na nasa P6.45 million ang nawala sa gobyerno mula sa mahigit 700 hindi nagagamit o nakatenggang mga infrastructure project ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon sa komisyon, nasa 747 proyekto ang hindi sumunod sa mga probisyon ng mga kontrata dahil sa kakapusan ng maayos na pangangasiwa at pagbabantay sa naturang mga proyekto at hindi mapakinabangan dahil sa mga teknikal na depekto.
Saad pa ng komisyon na ang nagpapatuloy na mga depekto at kakulangan ay maaaring mag-kompormiso sa kaligtasan ng publiko, magdulot ng lalo pang pinsala sa mga imprastruktura at magresulta sa pagkalustay ng pondo ng gobyerno at resources kung hindi agad na matutugunan.
Nadiskubre ang naturang mga depekto at kakulangan sa mga proyekto sa limang District Engineering Offices sa Cordillera Administrative Region, isa sa Ilocos Region, 11 sa Cagayan Valley, 7 sa MIMAROPA, 7 sa Bicol Region, 9 sa Western Visayas, 2 sa Eastern Visayas, 2 sa Zamboanga Peninsula, 5 sa Northern Mindanao at 2 sa Caraga.
Kaugnay nito, hinimok ng COA ang DPWH na imandato sa mga kontraktor na agad na i-repair, itama ang mga depekto at kakulangan at i-deliver ang mga kailangang gamit para matapos ang mga proyekto alinsunod sa mga terms at specifications na nakasaad sa kontrata.
Pinayuhan din ang ahensiya na magsagawa ng regular inspections at subaybayan ang lahat ng infrastructure projects para matiyak na makumpleto ang lahat ng mga proyekto alinsunod sa mga inaprubahang plano.
















