Unanimous na boto ang nakuha ng 2022 General Appropriations Bill (GAB) na naglalaman ng P5.024-trillion budget sa pagtalakay ng Senado nitong Miyerkules ng hapon.
Umaabot sa 22 senador ang pumabor sa bill, habang wala namang kumontra mula sa miyembro ng kapulungan.
Pero sa halip na isa-isa pang isalang sa debate ang mga mambabatas, para sa kani-kanilang amyenda, inihanay na ito ni Senate committee on finance chairman Sen. Sonny Angara, para isahang pag-usapan ang mga detalye ng bill.
Mabilis naman ang naging pagpasa nito sa ikalawa at ikatlong pagbasa, dahil una na itong sinertipikahan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang urgent measure.
Sa naipasang version, binigyan ng dagdag na pondo ang Department of Health (DoH) para sa patuloy na pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Mula sa P182 billion na inilaan ng Kamara, ginawa nila itong P230 billion, kung saan P50 billion ang para sa special risk allowance (SRA) ng health workers.
Habang ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ay ginawang P10.8 billion, mula sa inisyal na P4 billion lamang na napag-usapan sa mga nakalipas na hearing.