-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na inaprubahan na ni Sec. Francisco Duque III at mga kalihim ng DBM at DOLE ang Joint Administrative Order na nagbibigay ng compensation sa pamilya ng mga namatay na COVID-19 health care frontliners, gayundin ang mga tinamaan ng sakit at naging kritikal o severe ang lagay.

Ibig sabihin, maaari nang matanggap ng mga naulilang pamilya ang P1-milyong kompensasyon. Habang P100,000 naman ang para sa health care frontliners na tinamaan ng sakit at umabot sa kritikal ang sitwasyon.

Ang benepisyong ito ay sakop ng inaprubahang Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act, kung saan inaatasan sa ilalim ng Section 4-F ang DOH, Department of Budget and Management at Department of Labor and Employment na manguna sa distribusyon.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, hindi na kinailangan ng IRR o implementing rules and regulations sa pagbibigay ng naturang benepisyo.

Sa ngayon na-contact na raw ng DOH ang pamilya ng 32 health care workers na pumanaw. May listahan na rin umano ang ahensya ng 60 health frontliners na naging severe, at 19 na naging kritikal sa COVID-19.

Ilan daw sa tinitingnan ng Health department na pagkuhanan ng pondo para sa ibibigay na compensation ay ang P45-billion supplemental budget na inaprubahan ng Kongreso. Pati na ang realigned allocation budget ng ahensya at ang kanilang Medical Assitance to Indigent Patients (MAIP program).

“Hindi namin tinutumbasan ng kahit na anong halaga ang buhay ng mga health care workers na natin na namatay sa pag-aalaga ng mga pasyeteng may COVID. Sana ay magkaroon lang ng kahit kaunting kapanatagan ang mga pamilyang naiwan.”

“Makakaasa kayo na gagawin namin sa abot ng aming makakaya na matanggap niyo agad ang mga benepisyong ito. Alam namin hindi nito maibabalik ang nawalang buhay ng mahal nila; ito’y makatulong man lang sa mahigpit na pangangailangan an dinadanas nila.”

Sabi ni Usec. Vergeire, agad na matatanggap ng mga benepisyaryo ang cheke ng kompensasyon kapag nasubmit na nila ang mga kinakailangang dokumento.

Batay sa huling datos na inilabas ng DOH, pumalo na sa 2,675 ang bilang ng health care workers na tinamaan ng COVID-19. Mula sa nasabing total, 32 ang namatay. Habang 1,457 ang gumaling.