Papalo sa P3.4 million ang halaga ng mga misdeclared products ang nakumpisk ng Bureau of Customs-Port of Manila (BoC-POM).
Ang naturang mga kontrabando ay kinabibilangan ng misdeclared carrots, imported cigarettes, “ukay-ukay” at iba pang mga produktong nakasilid sa dalawang containers.
Una rito, noong July 10, 2020, nakatanggap raw ang Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS)-POM ng derogatory information na mayroong undeclared agricultural products.
Dumating ang naturang mga kargamento mula sa China noong June 23 at 27, 2020 at ang consignee ay ang Real Mart and Bayford Marketing.
Base naman sa inisyal na report, idineklara ng Real Mart ang shipment na frozen chimei pastry buns pero ang totoong laman nito ay mga carrots.
Ang isa pang container na nakapangalan naman sa Bayford Marketing ay idineklarang knap sack bags, tissues, wearing apparel, auto parts at hand tools ang laman pero nang ito ay buksan ay tumambad ang mga imported cigarettes, portable welding machines, resin, “ukay ukay” at iba pang commodities.
Nang matapos ang physical examination nadiskubre ng Customs Examiners na ang mga carrots ay nagkakahalaga ng P1.4 million habang ang mga imported na mga sigarilyo at iba pang commodities ay nagkakahalaga naman ng P2 million.