Aabot na sa halos P2 billion ang halaga ng pinsalang iniwan sa sektor ng imprastruktura ng nagdaang magnitude 7.0 na lindol na tumama sa lalawigan ng Abra noong July 27.
Batay sa panibagong report mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong araw, nasa kabuuang P1,993,069,205.62 ang halaga ng pinsala mula sa 2,433 imprastrukturang nasira na naitala mula sa Ilocos region, Cagayan Valley, Central Luzon, Cordillera Administrative Region (CAR), at National Capital Region (NCR).
Karamihan sa naitalang pinsala ay sa Ilocos Region kung saan nasa 1,453 infrastructure ang nasira.
Sinundan ng CAR nasa 828 ang napinsala at sa Cagayan Valley may 131 infrastructure ang nasira.
Nasa kabuuang 35,958 kabahayan ang apektado ng nagdaang lindol kung san nasa 693 dito ang totally damaged.
Kasalukuyan pa ring apektado ang nasa mahigit 100,000 pamilya o mahigit 500,000 indibidwal mula sa mahigit 1000 barangay sa Ilocos region, Cagayan Valley at CAR.
Sa ngayon nabawasan na sa 277 families o 873 individuals na na-displaced na nasa siyam na evacuation centers.
Ayon sa NDRRMC, iniulat ng DA na nasa mahigit P48.2 million ang pinsala sa sektor ng agrikultura sa CAR habang sa irrigation system naman nakapagtala ng P22.7 million halaga ng pinsala sa Ilocos region at CAR.
Sa kasalukuyan nasa 29 siyudad at munisipalidad pa rin ang nasa state of calamity dahil sa nagdaang lindol.