-- Advertisements --

pdea

Nasa P2.4 million halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana ang nasabat ng mga tauhan ng PDEA mula sa dalawang hinihinalaang drug suspeks kasama ang isang batang lalaking menor-de-edad sa isinagawang drug buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng anti-narcotic operatives nang PDEA Nueva Ecija Provincial Office, PDEA Benguet, PDEA Baguio City at Tuba Police Station sa Benguet.

Kinilala ni PDEA Director General Wilkins Villanueva ang inarestong drug suspeks na sina: Laista Pedro, 20-anyos ng Kibungan, Benguet; at Jimmer Bedkingan, 27-anyos ng Atok, Benguet; habang ang batang lalakeng menor-de-edad ay dinala sa Local Social Welfare Development Office.

Nasabat sa dalawang suspek ang 20 pirasong tubular package na naglalaman ng dried stalks at marijuana leaves na nasa halos 20 kilo ang timbang.

Ayon kay Villanueva, nakatanggap kasi sila ng impormasyon na ang naturang mga suspek ay nakatakdang magdeliver ng marijuana sa Nueva Ecija at kalapit bayan ng Tarlac.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang dalawang suspeks.