-- Advertisements --

Binatikos ng Commission on Audit (COA) ang Office of the President (OP) dahil sa kabiguang makolekta ang P14.4 million na advance payments para sa airfare at hotel accommodations ng mga opisyal na sumama sa presidential foreign trips mula 2022 hanggang 2024.

Ayon sa 2024 audit report ng ahensya, nananatiling uncollected ang kabuuang halaga na P14,403,827.63 hanggang Disyembre 31, 2024, na nakaapekto sa pondo ng OP para sa regular nitong operasyon.

Natukoy na kabilang sa biyahe ang mga pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa China, Japan, US, Europe, at Southeast Asia.

Sinabi ng COA na walang prior agreements ang OP at mga ahense tungkol sa pinanggalingan ng mga delegado para sa reimbursement, at walang inilabas na polisiya ang OP para sa billing o collection ng travel expenses.

Dagdag pa ng COA, walang follow-up demands na ginawa kahit overdue na ang mga bayarin.

Kabilang sa mga hindi pa nagbabayad na datos na inilabas ng ahensya ay ang mga opisyal mula sa tanggapan ng  Board of Investments, Bureau of Internal Revenue, Department of Agriculture, Department of Finance, Department of Foreign Affairs, Department of Information and Communications Technology, Department of the Interior and Local Government, Department of Justice, Department of Migrant Workers, Department of Public Works and Highways, Department of Tourism, Department of Trade and Industry, pati Senado, Kamara, Presidential Communications Office, Presidential Management Staff, National Security Council, Radio Television Malacañang, at Technical Education and Skills Development Authority.

Ayon pa sa COA mahigit 52% ng receivables ay overdue na nang higit sa dalawang taon, habang 45% dito ay overdue narin ng isa hanggang dalawang taon.

Kaugnay nito maglalabas ang COA ng demand letters para sa agarang koleksyon.

Samantala sinabi naman ng OP na nagpadala na ito ng demand letters noong Abril 2025 at sinabing kanilang namomonitor ang mga hindi pa nababayarang halaga.