Ilang bilyong piso ang mawawala sa ekonomiya ng Pilipinas habang ilang libo namang trabaho ang nalalagay sa alangin sa kada linggo na nasa ilalim ng enhanced community quarantine ang Metro Manila.
Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua, posibleng aabot ng P105 billion ang mawawala sa ekonomiya ng Pilipinas, habang nasa 170,000 hanggang 444,000 manggagawa ang mawalan ng trabaho dahil sa bagong desisyon ng national government para sa quarantine restrictions sa National Capital Region.
Base sa anunsyo ng Malacañang kaninang umaga, ang Metro Manila ay ilalagay sa ECQ simula Agosto 6 hanggang 20 dahil sa banta ng mas nakakahawa na Delta coronavirus variant.
Gayunman, sinabi ni Chua na ang economic impact ng striktong lockdown ay bahagyang mababaligtad naman kung sa loob ng tatlong linggo ay papabilisin ang COVID-19 vaccination sa mga high risk areas.