-- Advertisements --

Nilinaw ni House Speaker Alan Peter Cayetano na para sa buong Kamara ang hinihinging dagdag na P1.6 billion budget para sa susunod na taon at hindi para pakinabangan lamang ng ilang opisyal ng kapulungan.

Sa ambush interview sa Kamara, pinabulaanan ni Cayetano na ang hinihingi nilang dagdag na pondo ay para ma-accomodate lamang ang walong bagong talagang deputy speakers.

“They want to remove the focus from the fact that we had a very good budget process, and in fact soon ay maglalabas kami ng kung ano ang mga proposed changes ng Kongreso,” ani Cayetano.

Bukod sa gagamitin ang pondong ito sa pagpapabuti sa research capability ng Mababang Kapulungan, sinabi ni Cayetano na ilalaan din ang dagdag na budget kapag naipasa na ang bagong Salary Standardization Law (SSL) para sa mga civilian employees ng Kamara.

Gagamitin din aniya ito sa mga idadagdag pang bagong vice chairmen ng House committee on ways and means at ng committee on appropriations na siyang nakatoka sa pagbalangkas at pagpasa ng mga revenue bills.

Aasahan din daw ang pagpapaganda ng mga pasilidad sa kapulungan.

Mababatid na P14 billion ang pondo ng Kamara para sa 2020 at humirit pa ng dagdag na P1.6 billion na pondo para rito.

Samantala, tiniyak ng liderato ng Kamara na hindi malalabag ang Saligang Batas sa pagtanggap nila ng mga amyenda sa proposed P4.1 trillion national budget matapos itong aprubahan noong Biyernes, Setyembre 20.

Ito ay kahit pa nakasaad sa Article VI, Section 26 ng 1987 Constitution, na hindi na pinapahintulutan ang amyenda sa isang panukala kapag naaprubahan na ito sa ikatlo at huling pagbasa.

Sinabi ni Cayetano sa ambush interview sa Kamara na inaprubahan nila ang General Appropriations Bill (GAB) na may colatilla na maaari pa rin silang tumanggap ng amiyenda kahit pa inaprubahan na nila ito.

Ayon kay Cayetano, ito ang tradisyon ng Kamara sa mga nakalipas nang Kongreso sapagkat tatagal lamang ang budget process kapag pinayagan na tumayo sa plenaryo ang lahat ng mga kongresista para magbigay ng kanilang individual amendments.

“So all of these, wala kaming binago sa sistemang ‘yan (we did not change anything in that system). That’s all part of the system that was already put in place,” saad ng lider ng Kamara.

Sa kabilang dako, siniguro rin ni Majority Leader at Leyte Rep. Martin Romualdez na ang mabilis nilang pag-apruba sa GAB ay sa existing nang mga patakaran, batas at maging sa Konstitusyon.

Ayon kay Romualdez, target ng Kongreso na ipasa ang 2020 GAB pagsapit ng Disyembre para na rin sa economic growth ng bansa.