-- Advertisements --
supreme court
Supreme Court

Itinakda na nga ng Supreme Court (SC) ang oral arguments sa mga petisyong kumukuwestiyon sa ligalidad ng Anti Terror Act of 2020.

Pero sa mga nag-aabang sa oral argument, sa Enero 19, 2021 pa ito isasagawa sa En Banc Session Hall ng kataas-taasang hukuman.

Ang oral argument ay una nang itinakda noong buwan ng Setyembre pero hindi ito natuloy dahil sa patuloy na pagbuhos ng mga petisyon.

Sa advisory ngayong araw, inilatag na rin ng SC ang mga isyung tatalakayin sa oral arguments.

Ang mga petitioners at ang panig ng pamahalaan na pinangungunahan ng Office of the Solicitor General (OSG) ay kailangang idepensa ang kanilang posisyon mula sa kanilang legal standing sa mga isyu sa mga probisyon sa surveillance, terrorist designation at warrantless arrests.

Pagdedebatehan din kung mag-iisyu o hindi ang Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO) o status quo ante order.

Ang bawat panig ay magkakaroon ng 30 minuto para iprisinta ang kanilang mga argumento at puwede raw magsama si Solicitor General Jose Calida ng tatlong abogado.

Sa ngayon nasa 37 petitions ang kumukuwestiyon sa ligalidad ng anti-terrorism law na ipinatupad sa gitna ng mga batikos dahil baka puwede raw itong gamitin laban sa mga kritiko ng pamahalaan at mga aktibista sa ilalim ng anti-terrorism campaign.

Kabilang na dito ang umano’y “red-tagging” o “terrorist-tagging” sa mga kritiko ng pamahalaan at grupong pinaghihinalaang mga kominista.

Una nang inihirit ni SolGen Calida na suspendehin ang oral arguments dahil pa rin sa pangambang dulot ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.