Operator ng landfill nitong lungsod ng Cebu, inatasan na resolbahin ang iba’t ibang problema sa kapaligiran at kalusugan kasunod na rin ng reklamo ng mga residente dahil sa mabahong amoy mula sa landfill
Inatasan ngayon ni Cebu City Acting Mayor Raymond Alvin Garcia ang operator ng Binaliw landfill nitong lungsod na magsumite ng report hinggil sa ginawang aksyon para resolbahin ang iba’t ibang problema sa kapaligiran at kalusugan.
Ito’y kasunod na rin ng maraming natanggap na reklamo mula sa mga residente dahil sa mabahong amoy mula sa landFill at ang kontaminadong tubig na dumadaloy sa sapa na nakakaapekto sa komunidad.
Sa kanyang isinagawang site inspection noong nakaraang linggo, inatasan ni Garcia ang mga departamento ng lungsod upang imbestigahan ang isyu, pinalakas ang mga hakbang sa pagkontrol ng amoy, at nakipag-ugnayan sa mga operator ng landfill upang mabilis itong masolusyunan.
Hiling din ng alkalde mula sa operator ang report hinggil sa “water quality” at kung ano ang kanilang mga pamamaraan na ginagawa tuwing may malakas na buhos ng ulan.
Sa panig naman ng operator ng landfill, inaasikaso na umano nila ang mga reklamong natanggap at ipinaliwanag na hindi maiiwasan ang pagsingaw ng amoy, lalo pa’t sariwa pa ang mga basurang dinadala.