-- Advertisements --

Naniniwala si House trial spokesperson at impeachment adviser Robert Ace Barbers na ang mga pahayag tungkol sa “Operation Romanov” at dating Italian dictator na si Benito Mussolini ay maituturing na pahiwatig ng banta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa First Family.

Ayon kay Barbers, ang mga naging pahayag ni Davao City Mayor Sebastian Duterte ay nagpapahiwatig ng posibleng marahas na sinapit ng pamilya Romanov at ni Mussolini kung hindi umano babaguhin ng Pangulo ang direksiyon ng kanyang pamamahala.

Sinabi rin ni Barbers na sang-ayon siya sa naging interpretasyon ni dating NBI Director Jaime Santiago na ang naturang mga pahayag ay maaaring ituring na banta sa First Family.

Binanggit din niya ang testimonya ni NBI Regional Director Jeremy Lotoc na nagsabing may sapat na batayan ang imbestigasyon ng NBI upang magrekomenda ng tatlong kasong grave threats at isang kasong inciting to sedition laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon sa prosekusyon, mahalagang maiprisinta ang mga ebidensya upang matukoy kung ang naging kilos ng Bise Presidente ay may epekto sa kanyang pagiging karapat-dapat na manatili sa puwesto.