-- Advertisements --

Inilunsad ngayong araw ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang pre-registration program para sa mga residente nito na nagnanais makakuha ng libreng COVID-19 vaccines.

Sa pamamagitan ng manilacovid19vaccine.com website, ang mga naninirahan sa Maynila ay maaaring mag-sign up para tiyakin ang kanilang slot sa oras na simulan na ang local vaccination process.

Ilan sa mga residente ng Maynila ang unang nakatanggap ng text advisory noong Disyembre 31 tungkol sa naturang online registration.

Base sa website, mamimigay ng dalawang doses ng libreng bakuna ang Maynila. Nakalagay din dito ang disclaimers sa posibleng maging epekto nito sa katawan ng tao, tulad ng paalala na posible pa ring tamaan ng coronavirus ang isang indibidwal na mababakunahan.

Paliwanag naman ni Mayor Isko Moreno na nakipag-ugnayan ito sa US drug makers na Pfizer at Moderna para makakuha ng vaccine supply at may nakahanda na rin aniya silang vaccination process.

Tiniyak din nito na bibilhin lamang nila ang mga bakuna na may sertipikasyon mula sa Food and Drug Administration (FDA).

Dagdag pa ng alkalde, uunhaing bakunahan ang mga medical frontliners at mga senior citizens base sa polisiya ng World Health Organization (WHO), Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force (IATF).

Sa oras na tapos nang bakunahan ang mga nabanggit na sektor ay kaagad babakunahan ang mga taong interesadong magkaroon ng kapanatagan sa pang-araw-araw nilang mga buhay.