Inihayag ng bagong talagang Ombudsman na si Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na kanyang bubuklatin ang isyu patungkol sa confidential funds ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay newly appointed Ombudsman Boying Remulla, pag-aaralan niya ito bilang bagong talagang opisyal ng naturang opisina.
Kung kaya’t hahagilapin o makikipag-ugnayan aniya siya sa may mga katungkulan roon na may hawak sa naturang ulat o isyung idinulog sa tanggapan ng Ombudsman.
Maaalalang isinumite ng House Committee on Good Governance ang committee report nito sa Ombudsman kontra sa ikalawang pangulo ukol sa umano’y hindi wastong paggamit sa pondo ng Department of Education.
Kung saan inirerekumenda nilang makasuhan si Vice President Sara Duterte ng reklamo sa alegasyong technical malversation, perjury, bribery at plunder kaugnay sa kontrobersyal na confidential funds nito.
‘Actually nandyan naman na sa Ombudsman ang mga report na yan at ah bubuklatin natin. Pag-aaralan at tatanungin natin yung mga may hawak nun ngayon. Yung mga may hawak at ah yung may tungkulin na hawakan yung mga kasong iyon bago tayo dumating,” ani Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla.
Alinsunod nito’y kanyang sinabi na makakaasa umano ang publiko na siya’y magiging ‘transparent’ at isusulong pati ang ‘accountability’.
Kanyang tiniyak na sa pagkakatalaga bilang Ombudsman ay papapanagutin ang mga opisyal kasabay ng nagpapatuloy na imbestigasyon ukol sa flood control projects anomaly.
Kung kaya’t asahan aniya sa pagiging Ombudsman ni Remulla ang pagiging bukas ng tanggapan sa prayoridad nitong makahanap ng kasagutan at pagpapanagot sa mga sangkot sa isyu ng korapsyon.
Si Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla ang itinalagang bagong Ombudsman bilang kapalit ni Samuel Martires na nagtapos ang termino nitong Hulyo sa taong kasalukuyan.
Mula sa pitong nominadong aplikante sa shortlist ng Judicial and Bar Council, si Remulla ang pinili ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Kahit may ilang araw pa upang pag-isipan ng pangulo kung sino ang itatalagang panibagong Ombudsman matapos maisumite sa kanya ang shortlist kahapon, si Remulla ang kanyang napili para sa naturang posisyon.
Kaya’t ani Ombudsman Boying Remulla na sa Biyernes siya opisyal na lilipat sa panibagong opisina ngunit Huwebes pa lamang ay manunumpa na kagad siya.
Habang si Justice Undersecretary Fredderick Vida muna ang itinalagang officer-in-charge ng Department of Justice.
Ayon kay Ombudsman Remulla, ito’y kasunod nang mapagkasunduan nila ni Presidente Bongbong Marcos Jr. ang patungkol rito ngayong araw.