Aminado si Usec. Maria Rosario Vergeire na naapektuhan ang morale ng mga empleyado ng Department of Health (DOH), matapos ianunsyo ng Office of the Ombudsman na iimbestigahan nito ang kagawaran dahil sa ilan umanong anomalya sa COVID-19 response.
Sa isang panayam sinabi ni Usec. Vergeire na kahit handa ang buong ahensya na magpasailalim sa imbestigasyon, ay hindi naitago ng mga empleyado nito ang pagkagulat sa hakbang ng anti-graft body.
Ayon sa tagapagsalita ng Health department, sa nakalipas na dalawang taon ay naging aktibo ang ahensya sa pagtugon sa iba’t-ibang issue sa kalusugan. Tulad ng outbreak sa dengue, measles, at polio. Naging abala rin daw sila sa pagresponde nang pumutok ang bulkang Taal.
Bagamat makakaapekto rin sa mga prayoridad ng DOH para sa COVID-19 pandemic ang pagsingit ng Ombudsman investigation, nangako si Usec. Vergeire na magpapatuloy ang buong kagawaran sa mandato nito.
Sa ngayon lumalakad na rin daw ang internal investigation ng Health department matapos sabihin ni Ombudsman Samuel Martires na pinagpasa-pasahan ang kanyang mga imbestigador na nagsiyasat bago ang lockdown.