-- Advertisements --

ILOILO CITY – Hinamon ni Ombudsman Samuel Martires ang kontrobersyal na pulis sa Iloilo na pangalanan ang mga kawani ng Office of the Ombudsman na tumatanggap umano ng pera kapalit ng pagpabor sa kanilang mga isinampang kaso.

Ito ay kasunod ng akusasyon ng multi-awarded at reinstated police officer na si Police Captain Charlie Sustento na dinismiss daw ng Ombudsman noong 2017 kaugnay sa kaso administratibo na isinampa sa kanya ni dating Iloilo Fourth District Representative Dr. Ferjenel Biron.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Sustento, hiningan aniya siya ng P1 million ng kawani ng Ombdusman kapalit ng kanyang paghain ng motion for reconsideration.

Ayon naman kay Martires, nakahanda siyang imbestigahan ang sinasabing corrupt sa Ombudsman na humingi ng pera kay Sustento kasabay ng pagtiyak na sisibakin ito sa trabaho kapag napatunayang nagkasala.