KALIBO, Aklan—Sa gitna ng patuloy na paglobo ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan na may malaking epekto sa Pilipinas, hindi nawawalan ng pag-asa ang hanay ng transportasyon na mapakinggan ang kanilang panawagan na maibasura ang Oil Deregulation Law at maibalik ang kontrol nito sa pamahalaan.
Iginiit ni Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide o PISTON president Mody Floranda na kung mananatili pa rin sa pribadong oil companies ang kontrol sa presyo ng langis, lalong tataas ito dahil sa una pa lamang na pagputok ng gyera sa gitna ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran ay sinamantala na ito ng mga naglalakihang oil companies sa bansa na kahit buffer stock ang ipinagbibili ay inihanay na ang presyo nito sa pandaigdigang pamilihan.
Naniniwala ang nasabing grupo na sakaling masuspinde ang fuel excise tax ay gagaan ang sitwasyon at makapaghanapbuhay ang mga ito ng mabuti na hindi lamang para sa diesel ang kanilang kinakayod sa araw-araw na paglagare sa mga pangunahing kalsada sa kanilang mga lugar.















