-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Humihingi ng tulong sa ngayon ang isang OFW na taga-lungsod ng Koronadal, dahil nagpositibo ito sa COVID-19 matapos mahawaan ng kanyang amo sa Alkharji Riyadh, Saudi Arabia.

Sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Koronadal, ang nasabing OFW ay si Anabelle A. Flores, 45 anyos, na taga-Bo.7, Koronadal City at kasalukuyang nasa Alkharji Riyadh, Saudi Arabia.

SA panayam ng Bombo Radyo kay Gng. Esperanza Flores,ina ng OFW, magtatatlong taon na rin si Anabelle na nagtatrabaho sa kanyang amo at nakatakda na sanang umuwi sa bansa ngunit hindi binilhan ng plane ticket ng employer nito dahil hindi umano nila kaya sa mahal ng presyo.

Sa salaysay ni Anabelle, makikita na nanghihina na ito dahil sa karamdaman , sa halip na ipagamot ito ng kanyang amo, ikinulong sa kwarto na nasa 3rd floor ng bahay ng kanyang employer at hindi pa pinapakain ng ilang araw kahit na may COVID-19 ito.

Sa ngayon humihingi ng tulong ang nasabing OFW para sa mabilis na pagrescue para maipagamot ito bago pa lumala at ang karamdaman nito at makaalis sa employer nito.