Nanawagan ang Office of Civil Defense (OCD) na agarang tukuyin ng gobyerno ang mga lugar kung saan itatayo ang mga evacuation centers, lalo na’t papalapit na ang tag-ulan.
Ayon kay OCD Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno, bagama’t hindi pa agad maitatayo ngayong taon ang mga pasilidad, kailangang pabilisin ang proseso ng pag-identify ng mga lokasyon.
Iginiit ni Nepomuceno na dapat ay lupa ng gobyerno ang gagamitin dahil mahal at matagal ang proseso kung bibili sa pribadong sektor. Dagdag pa niya, dapat ay kasya sa lote ang disenyo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na may mga pasilidad tulad ng study area, lugar para sa mga inang nagpapasuso, dasalan, kusina, tubig, at kuryente.
Tinukoy din ni Nepomuceno ang pangangailangan ng permanenteng evacuation centers para sa mga apektado ng pagputok ng Bulkang Kanlaon, lalo na sa loob ng 4-6 kilometrong danger zone.
Sa kasalukuyan, nasa 22 evacuation centers ang ginagamit, kung saan 11 dito ang pawang mga paaralan, na nakaaapekto sa mga klase.
Samantala, mahigit 8,100 katao ang kasalukuyang nanunuluyan sa evacuation centers, matapos ang pagputok ng Bulkang Kanlaon nitong linggo.
Patuloy namang nananatili sa Alert Level 3 ang bulkan, na nangangahulugang may posibilidad pa ng mga panandaliang pagputok na maaaring magdulot ng panganib sa mga residente.