Inihayag ng National Unity Party (NUP) nitong Martes na maghahain sila ng panibagong legal na aksyon laban kay Cavite Rep. Francisco “Kiko” Barzaga matapos nitong igiit na may tumanggap ng suhol ang kanyang mga dating kasamahan para suportahan si dating House Speaker Martin Romualdez.
Tinawag ni NUP Chair at Deputy Speaker Ronaldo Puno na walang basehan at malisyoso ang paratang ni Barzaga, lalo na’t tumakbo si Romualdez nang walang katunggali noong simula ng 20th Congress noong Hulyo. Ani Puno, walang kompetisyon, kaya imposible ang pagbibigay ng suhol.
Ayon kay Puno, magsasampa sila ng kaso laban kay Barzaga, at hihingi rin ng legal na aksyon ang iba pang NUP members na binanggit o na-implicate sa akusasyon.
Si Barzaga, dating miyembro ng NUP at anak ni yumaong stalwart Elpidio Barzaga, ay naglathala sa social media na umano’y nagbigay si businessman Enrique Razon ng suhol para sa suporta kay Romualdez sa 2025 House speakership race.
Ito ay pinakabagong episode ng alitan ng NUP sa kanyang dating kasamahan, na nasuspinde ng 60 araw noong Disyembre dahil sa hindi angkop na asal at kilos bilang opisyal publiko. (report by Bombo Jai)
















