-- Advertisements --

Umapela si Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) Director Carlos Arcilla sa publiko na suportahan ang isinusulong na nuclear technology ng Marcos Jr. administration para mapababa ang presyo ng kuryente sa ating bansa.

Ayon kay Arcilla, kailangan na talagang mapababa ang presyo ng kuryente para maka hikayat ang bansa ng maraming investors na makakatulong para mapalago ang ekonomiya ng bansa at matuldukan na rin ang hirap na dinaranas ng mga consumers sa mataas na singil ng kuryente.

“Kaya kailangan nang ibaba ang presyo ng kuryente, sobrang pahirap sa masa; sana tulungan natin ang president. Ang problema kasi, may mga ayaw yata ng nuclear kasi may mga negosyo silang maaapektuhan,” pahayag ni Arcilla.

Inihalimbawa ni Arcilla ang Krško Nuclear Plant sa Slovenia, kung saan ang cost ng kanilang power generation ay one-tenth lamang sa Pilipinas.

Ayon kay Arcilla, ang South Korea, na nagpapatakbo ng 24 nuclear power plants, ay gumagawa ng kuryente sa kalahati ng halaga ng power generation sa Pilipinas.

Ipinunto din ni Arcilla na parehong sinimulan ng South Korea at Pilipinas ang kanilang mga programang nukleyar nang halos magkasabay noong dekada ng 1980, na halos magkapareho ang GDP ng dalawang bansa sa isa’t isa kaya lalong sumigla ekonomiya nito.

Sabi ng opisyal na ang mga island provinces ang hindi konektado sa grid, ay partikular na makikinabang sa paggamit ng maliliit na modular nuclear reactors, gaya ng naisip ng administrasyong Marcos.

“Kasi ang pinakamahal na kuryente sa Pilipinas ay iyong mga nasa isla na hindi naka-connect sa grid. Ako po taga-Catanduanes, sobrang mahal ang kuryente sa amin parusa sa taumbayan. Naiyak ako one time eh, iyong isang retiradong empleyado pagkadating noong tseke niya, inintrega na lang doon sa cooperative ganoon kamahal,” punto ni Arcilla.

Una ng inihayag ni Pangulong Marcos na suportado nito ang “cutting-edge” micro nuclear fuel technology bilang bahagi sa hakbang ng gobyerno para tugunan ang problema sa kuryente.

Nakatuon ang administrasyong Marcos sa pagtiyak ng walang harang na suplay ng enerhiya kasabay ng pagsulong at paggamit ng renewable energy sources upang magkaroon ng sapat at malinis na supply ng enerhiya sa hinaharap.