Nagbigay ng ilang kondisyon at guidelines si National Task Force Against COVID-19 chief implementer Carlito Galvez Jr. kaugnay sa binabalak ng Commission on Higher Education (CHED) at Department of Education (DepEd) na posibleng pagkakaroon ng limited face-to-face learning sa mga paaralan.
Sinabi ni Sec. Galvez, dapat may dormitoryo kung saan mananatili ng ilang buwan ang mga estudiyante at isasailalim sila sa RT-PCR test bago papasukin at kung lalabas, panibagong test pagbalik.
Sa mga paaralan naman sa elementarya at sekondarya, kailangang magsagawa muna ng inspeksyon at kailangang alisin ang mga playground kung saan hindi makokontrol ang pagkukumpulan ng mga bata.
Kailangan din daw walang canteen na parang buffet style dahil dito posibleng magkakahawaan ng virus lalo walang face mask pag kumakain at magkakaharap pa.
Idinagdag pa ni Sec. Galvez na dapat din magkaroon ng re-engineering sa mga paaralan para sa isang entry gate at isang hiwalay na exit gate para hindi magkakasalubungan ang mga bata.