ILOILO CITY – Nag-iwan ng dalawang patay kabilang ang mataas na lider ng mga rebelde sa Western Visayas matapos umanong nanlaban sa mga otoridad sa isinagawang raid sa Providence Subdivision, Barangay Balabag, Pavia, Iloilo.
Ang subject ng warrant of arrest ay isang Reynaldo Bocala, lider ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa Western Visayas, mister ni Concha Araneta Bocala na secretary general ng Komiteng-Rehiyon Panay.
Patay din ang kasamahan nito na nagngangalang Willie Arguilles.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Lieutenant Colonel Gervacio Balmaceda, chief ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Region 6, sinabi nito na most wanted sa rehiyon si Bocala na may patong-patong na kaso.
Kabilang dito ang murder, arson, robbery with serious physical injuries, at robbery in band with frustrated homicide and damage to property.
Narekober naman sa crime scene ang matataas na kalibre ng mga armas na pagmamay-ari ni Bocala.
















