-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Ibinunyag ng dating lider ng New People’s Army (NPA) na malaki ang naging kontribusyon ng Bombo Radyo sa kaniyang desisyon na sumuko sa gobyerno.

Ayon kay alyas Dino, bilang isang lider ng hukbo ay kabilang sa kanilang pribilehiyo na makinig sa mga balita sa radyo.

Aniya, tanging ang Bombo Radyo lang ang kanilang pinakikinggang istasyon sa radyo sa bundok kaya palagi niyang naririnig ang mga programa ng gobyerno sa mga rebel returnees dahil na rin sa paulit-ulit na panawagan ng militar.

Si alyas Dino kasama ang kaniyang asawa na isang medics at combatant na si alyas Jegs ay sumuko sa militar na sakop ng 58th Infantry Battalion sa Claveria, Misamis Oriental.

Isang araw mula sa kanilang pagsuko, tinukoy ni alyas Dino ang lokasyon kung saan ibinabaon ng kanilang grupo ang kanilang mga armas sa Misamis Oriental.

Dito narekober ng militar ang 11 matataas na kalibre ng armas na kinabibilangan ng dalawang AK 47 rifles, isang M16 rifle, at lima pang igh powered firearms.