CAGAYAN DE ORO CITY – Ikinadismaya ng national security adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte ang umano’y mapagkunwaring pagsusulong ng Communist Party of the Philippines New People’s Army National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDF) na resumption of peace talks sa pagitan nila at ng gobyerno.
Ito ay sa kabila ng mga lumalabas na pahayag ni CPP founder Jose Maria Sison na nakahandang makipagkita pa kay Duterte ng personal para himayin ang mga hakbang na gagamitin upang madugtungan ang naputol na usaping pangkapayapaan sa dalawang panig.
Ginawa ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr ang reaksyon kasunod ng tila wala umanong kontrol sa mga galaw ng komunista kung saan inatake ang police patrol car na nagresulta ng ilang katao ang nasawi at maraming sibilyan ang sugatan sa Borongan City, Eastern Samar nitong nakalipas na Biyernes.
Inihayag sa Bombo Radyo ni Esperon na ang ginawa na pang-aatake ng NPA ay patunay na hindi seryoso ang mga ito sa usaping pangkapayapaan bagkus ay ginagamit lamang daw para maagaw ang poder sa Malacanang.
Tinukoy ng opisyal na halimbawa ang recorded video tapes ni NDFP negotiating table chief Luis Jalandoni kung saan nakasaad ang mga pahayag na kasangkapan lamang ang isinusulong na peace talks para makuha ang political power sa bansa.
Magugunitang pinapunta pa ni Dutere si dating GRP peace negotiating panel chief at DOLE Secretary Silvestre Bello III sa kampo ni Sison sa The Netherlands para hikayating magkasundo sa mga kondisyon upang mabuksang muli ang natigil na peace negotiations noong taong 2017.