-- Advertisements --

Miyembro pa rin Philippine National Police (PNP) hanggang sa magretiro sa serbisyo si P/Gen. Oscar Albayalde sa daratinig na November 8.

Ayon kay PNP spokesperson B/Gen. Bernard Banac, nangangahulugan ito na maaari pa rin masampahan ng admin case si Albayalde dahil nasa serbisyo pa ito.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa “ninja cops” na nanguna sa maanomalyang Pampanga drug raid noong 2013.

Sa darating na October 18, isusumite na ni DILG Sec. Eduardo Año ang resulta ng kanilang imbestigasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Banac nakaantabay sila sa resulta dahil ito ang magiging basehan sa pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot pulis kabilang si Albayalde.

Samantala, hinimok ni officer-in-charge (OIC) PNP Chief Lt. Gen. Archie Gamboa ang lahat ng police personnel na ituloy ang trabaho at huwag magpapaapekto sa mga kontrobersiya.

Epektibo kahapon, bumaba sa kaniyang puwesto si Albayalde matapos madawit sa ninja cops na nagre-recycle ng mga nakumpiskang iligal na droga.

Nanawagan si Gamboa sa mga pulis na balewalain ang ingay ng kontrobersya at gawin lang ang mandato nila na “to serve and protect.”

Binigyang-diin ni Gamboa, kahit nasa transition at pansamantala lang ang pamumuno niya, nais niyang maging maayos ang lahat hanggang sa makapili na ng susunod ng PNP chief si Pangulong Duterte.

Ayon kay Gamboa, kinausap siya ni Duterte at pinatitiyak sa kaniya na ipagpatuloy ang mga kampanya ng PNP kasama ang pinaigting na anti-criminality at illegal drug operations, internal security operations, internal cleansing at kampanya laban sa korupsyon.

Si Gamboa ay isa sa “Davao cops” at mistah ni Albaylalde sa Philippine Militaty Academy Class of 1986.

Bilang isang OIC, limitado lamang ang magagawa ni Gamboa.