-- Advertisements --

Pinasalamatan ng Malacañang nitong araw si dating Senate President Aquilino “Nene” Pumentel Jr. sa “long, fearless and principled track record” nito sa larangan ng serbisyo publiko.

Ginawa ito ng Malacañang kasunod ng anunsyo ni Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III sa pagpanaw ng kanyang ama matapos makipaglaban sa sakit na lymphoma at pneumonia.

Ayon kay Presidential Spokesperon Salvador Panelo, kailanman ay hindi malilimutan sa kasaysayan ang naiambag ni Pimentel pagdating sa pagsusulong sa demokrasya ng bansa, gayundin sa mga batas na iniakda nito katulad na lamang ng Local Government Code.

“The Palace joins the Filipino people in mourning the demise of former Senate President Aquilino Pimentel, Jr. and expressing condolences to his family, loved ones, colleagues and friends,” ani Panelo.

Nagpapasalamat din aniya ang Duterte administration kay Pimentel dahil sa tulong nito sa pagbalangkas ng federal charter bilang isa sa mga miyembro ng presidential Consultative Committee na inatasang magpanukala ng amiyenda sa 1987 Constitution.

“As we pay tribute and honor to this respected and courageous statesman, we fervently pray for the Almighty to grant Senator Nene eternal repose. May the perpetual light shine upon him,” dagdag pa nito.

Binawian ng buhay si Pimentel dakong alas-5:00 kaninang umaga, ayon sa kanyang anak na si Commission on Human Rights Commissioner Gwendolyn “Gwen” Pimentel-Gana.