-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Binawian na ng buhay ang isang negosyante na biktima ng robbery hold-up noong September 26, 2021 sa Purok 1 Malapat, Cordon, Isabela.

Ang biktima ay si Al Dexter Belo, 29, negosyante at residente ng Silverland Subdivision, Patul, Santiago City habang ang suspek ay si Joshua Bautista, 21, car sales agent at residente ng Barangay Sinsayon, Santiago City

Sa isinagawang pagsisiyasat ng Cordon Police Station, robbery hold up ang pangunahing motibo na nag-ugat sa pakikipagnegosasyon ng biktima sa suspek na ahente ng sasakyan.

Napag-alamang balak ng biktima na bumili motorsiklo at magpapauna ng P50,000 sa isang seller.

Bago maganap ang pamamaril sa biktima ay inutusan ng suspek ang biktima na bitbitin ang nasabing halaga ng pera patungo sa bayan ng Cordon upang maki-pagtransaksyon sa umanoy seller ng mototsiklo.

Sakay ng isang pulang motorsiklo ay magkasamang nagtungo sa Cordon ang dalawa at nang makarating sa lugar ay sinabihan umano ni Bautista si Belo kukunin niya ang pera dahil siya na lamang ang makikipagtransaksyon sa nagbebenta ng motor .

Kasunod nito pinahinto pa umano ng suspek ang biktima sa pagmamaneho ng kanyang motorsiklo upang umihi subalit ilang sandali pa ay bumunot na umano ng baril ang suspek at pinaputukan ang biktima ng tatlong beses na tumama sa kaliwang bahagi ng dibdib, ilalim ng braso at isang daplis sa batok.

Nakaligtas ang biktima ngunit binawian din ng buhay habang ginagamot sa pagamutan dahil sa umanoy komplikasyon na dulot ng mga natamong tama ng bala ng baril sa katawan.

Na-recover ng mga otoridad ang abandonadong sasakyan ng biktima na may bakas ng dugo sa Barangay Buenavista , Santiago City na hinihinalang ginamit pa ng suspek.

Patuloy pa ring itinatanggi ng sumukong suspek na siya ang bumaril sa biktima at iginiit na lumutang lamang siya upang malinis ang kanyang pangalan.

tiwala naman ang Cordon Police Station na maitataas sa kasong robbery with homicide at carnapping ang kasong kakaharapin ng suspek.