CAUAYAN CITY- Inaresto sa isinagawang drug buy bust operation ang isang negosyante matapos maaktuhang nagtutulak ng hinihinalang Droga sa Barrera Street Purok 2 barangay Centro East, Santiago City.
Kinilala ang suspek na si Jimmy Padilla, 54 anyos, may-asawa, negosyante, at residente ng Purok 3, Buenavista, Santiago City.
Sa pagtutulungan ng mga kasapi ng City Drug Enforcement Unit, Regional Drug Enforcement Unit, PDEA Region 2 at Presinto Uno ay isinagawa drug Buy bust Operation na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek sa aktong pagtutulak ng isang pakete ng hinihinalang shabu kapalit ang P5,000 bilang buybust money.
Nakuha sa bulsa ng suspek ang buybust money na ginamit sa transaksyon at isa pang pakete ng hinihinalang droga.
Samantala, sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan ay todo tanggi ang suspek at binigyang diin na sa kaibigan umano nito ang mga nasamsam sa kanya.
Hindi umano akalain ng suspek na ipapahamak siya ng kanyang itinuring na kaibigan bagamat aminado siya na naranasan na nitong gumamit ng ipinagbabawal na gamot.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa Section 11 at Section 5 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) laban sa suspek.