-- Advertisements --

Malaking bagay para kay Senate President Win Gatchalian ang desisyon ng prosekusyon na i-drop ang ilang testigo para sa Article I ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, na tumatalakay sa confidential funds.

Ayon kay Gatchalian, makatutulong ang naturang hakbang upang mabawasan ang oras na kakailanganin para sa paglilitis ng impeachment case. Aniya, mas mapapabilis nito ang pagtalakay sa mga isyung nakapaloob sa nasabing artikulo.

Inaasahan din ng Senate President na matatapos bago sumapit ang Disyembre ang paglalahad ng ebidensya ng prosekusyon at depensa sa impeachment trial.

Gayunman, sinabi ni Gatchalian na nakadepende pa rin ang magiging takbo ng paglilitis sa dami ng mga testigong ihaharap ng defense team, maaari umanong makaapekto sa timeline ng kaso ang haba ng pagtatanong at pagdinig sa bawat testigo.

Umaasa si Gatchalian na sa pamamagitan ng bagong timetable ay magiging mas maayos at mabilis ang proseso ng impeachment trial, lalo na’t layunin nitong matapos ang paglalahad ng ebidensya ng magkabilang panig bago matapos ang taon.

Umaasa si Gatchalian na magkakaroon na ng hatol sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte bago sumapit ang Disyembre.

“With this new timetable, hopefully matapos ito by December,” saad ni Gatchalian, habang nagpahayag ng pag-asa na matatapos ang paglilitis sa loob ng itinakdang panahon.