Inaasahan ng Department of Trade and Industry (DTI) na matatapos sa taong 2026 ang negosasyon kaugnay ng reciprocal tariff rate sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Matatandaang noong Hulyo, inanunsyo ni US President Donald Trump ang pagpapataw ng 19% export tariff sa mga produktong galing sa Pilipinas. Ayon sa DTI, hindi pa ito pinal at kasalukuyan pa ring pinag-uusapan.
“We are still actually negotiating as of this time,” pahayag ni DTI Secretary Cristina Roque sa pagdinig ng kanilang panukalang budget para sa 2026 sa Senado.
Ngunit kinuwestyon ito ni Senate Subcommittee Chairperson Senator Imee Marcos: “Sinasabi niyo it’s not yet in effect, not yet final, pero sinisingil na. Paano ba ‘yun?”
Paliwanag ni DTI Undersecretary Allan Gepty, unilateral imposition ito ng US, kaya isinusulong pa rin ng Pilipinas ang negosasyon upang makakuha ng mas makatarungang kasunduan.
Aniya, wala pa ring bansa o ekonomiya na may pinal o pirmahang kasunduan sa US tungkol dito.
Ipinahayag din ni Gepty na nakapagsumite na ang Pilipinas ng listahan ng mga produktong nais nilang ma-exempt sa taripa, kabilang na ang mga produktong agrikultural tulad ng niyog at pinya.