Humigit-kumulang 200 tricycle drivers sa Quezon City ang hindi umano nakatanggap ng fuel subsidy sa unang araw ng pamimigay ng naturang cash aid dahil wala sila sa listahan o hindi tugma ang mga dokumento.
Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, pisikal ang isinagawang payout kung saan hinanapan ang mga benepisyaryong tsuper ng driver’s license upang masigurong kwalipikado ang mga ito at maiwasan ang mga “inactive” o wala na.
Tiniyak rin ng kalihim na ang mga lehitimong driver lang ang makakatanggap upang matiyak na mapupunta sa tamang tao ang ayuda.
Binanggit din ng DSWD na magkakaroon ng karagdagang payout day para sa mga driver na hindi pa nakakakuha ng kanilang fuel subsidy
Ang mga ganitong aberya ay madalas naguugat sa luma o hindi updated na listahan ng mga miyembro ng TODA (Tricycle Operators and Drivers Association).
Samantala, ayon din sa DSWD, matagumpay na naipamahagi ang tig-Php5,000 na tulong sa mga drayber sa Metro Manila. Sa Navotas, higit 1,000 benepisyaryo ang nakatanggap, 664 tsuper naman sa Parañaque City, at mahigit 1,500 tricycle drivers sa Pasig City.















