Sinusuri na ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang maaaring maging kabuuang epekto sa ekonomiya ng Pilipinas ng umiiral na problema ukol sa Wuhan coronavirus o kilala rin bilang novel coronavirus (nCoV).
Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia, tourism industry ang direktang tatamaan ng problema, lalo na kung tatagal pa ang pagkalat ng sakit at maraming lugar ang madadamay.
Sa pagtaya ni Pernia, P450 billion o katumbas ng five percent ng kabuuang gross domestic product (GDP) na P19 trillion ang malalagas dahil sa isyu ng nCoV.
Gayunman, may mga sinisilip na umano sila alternatibo para mapunan ang bagay na ito, kasama na ang pagpapalakas ng lokal na turismo.
Katuwang naman ang mga eksperto mula sa Department of Science and Technology (DOST) sa paghahanap ng gamot para malunasan ang nakamamatay na sakit at ang malaking impact nito sa mga bansang apektado.
Pero inamin ni DOST Secretary Fortunato dela Peña na hindi madaling maisagawa ang clinical trial sa ating bansa dahil sa ilang konsiderasyon.
















