Nagpaliwanang ang National Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) hinggil sa biglang pagtaas sa bilang ng mga namatay nang dahil sa bagyong Agaton.
Ito ay matapos na iulat ng kagawaran na pumalo na sa 224 ang bilang ng mga nasawi nang dahil sa nasabing kalamidad.
Paliwanag ni NDRRMC spokesperson Mark Timbal, sa ngayon ay bilang pa lang daw kasi ng mga bangkay na walang maayos na documentation ang kanilang natanggap na datos.
Bago daw kasi opisyal na maisama sa bilang ng mga casualty ang isang bangkay ay dapat na mayroon itong proper documentation tulad ng pagkakakilanlan, kasarian, at iba.
Dagdag pa ni Timbal, ang naturang bilang ng mga nasawi nang dahil sa pananalasa ng bagyong Agaton ay posible pang madagdagan ngayong marami pa aniyang mga bangkay ang narerecover sa ginagawang search and rescue operations ng mga awtoridad sa mga apektadong lugar.
Samantala, nananatili namang nasa walong katao ang bilang ng mga sugatan habang nasa 111 pa rin ang bilang ng mga indibdiwal na nawawala kung saan 104 dito ay nawala kasunod nang pagguho ng lupa sa lalawigan ng Leyte.
Tiniyak naman ng tagapagsalita na magpapatuloy pa rin ang isinasagawang search and rescue operations sa ilan pang mga hindi natukoy na lugar sa Leyte.