-- Advertisements --

Tiniyak ni House Prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, na handang-handa na ang kanilang hanay na iprisinta ang mga hawak na ebidensya laban sa Bise Presidente sa mga susunod na araw.

Ito’y matapos pormal na buksan at i-convene ang Senate Impeachment Court para sa paglilitis kay Vice President Sara Duterte.

Siniguro ni Ridon na tatalima ang panel sa lahat ng mga kautusan, direktiba, at legal na proseso na itatakda ng naturang impeachment court habang gumugulong ang makasaysayang paglilitis sa Senado.

Sa kabilang dako, hirit naman ng progresibong Makabayan Bloc na simulan na kaagad bukas ang paglilitis laban kay VP Sara.

Binigyang-diin nina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Jane Elago, at Kabataan Rep. Atty. Renee Louise Co na ito ay isang mahalagang konstitusyonal na hakbang tungo sa pananagutan.

Inaasahan anila ng grupo na gagampanan ng Senado ang tungkulin nito nang may seryosong dedikasyon at mabilis na aksyon.

Ayon sa Makabayan Bloc, matagal nang naghihintay ang mamamayang Pilipino ng mga kasagutan ukol sa seryosong mga alegasyon ng korapsyon at iregular na paggamit ng pondo ng bayan.

Tiniyak ng mga progresibong mambabatas na mananatili silang nakatutok upang masigurong magiging patas, transparent, at nakatutok sa esensya ng mga kaso ang buong proseso.