-- Advertisements --

Kinuwestiyon ni Vice President Sara Duterte ang pagtatangkang pag-aresto kay Senador Ronald ”Bato” dela Rosa nang warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC).

Sa isang panayam sa The Hague, sinabi ni VP Sara na dapat munang iharap sa korte sa Pilipinas ang anumang warrant of arrest na nagmumula sa ibang bansa bago ito isilbi.

“Mali ‘yan. Tulad ng ginawa nila kay dating pangulong Rodrigo Duterte, mali din iyon,” ani Duterte.

Dagdag pa niya, ang warrant of arrest na hindi inilabas ng korte sa Pilipinas ay kinakailangang dumaan muna sa local judicial process.

Matatandaang inaresto rin noong Marso 2025 si dating Pangulong Rodrigo Duterte batay sa warrant mula sa ICC kaugnay ng war on drugs campaign ng kanyang administrasyon.

Samantala, muling nagpakita si dela Rosa sa Senado noong Lunes matapos ang anim na buwang hindi pagdalo sa sesyon. Sa kanyang pagbabalik, sinubukan umano ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) na isilbi sa kanya ang arrest warrant mula sa ICC.

Ang warrant laban kay dela Rosa ay unang inilabas bilang “secret” noong Nobyembre 6, 2025 at may kaugnayan sa mga pagpatay sa kasagsagan ng ‘war on drugs campaign’ ng dating administrasyon.

Si dela Rosa kasi ang nagsilbing hepe noon ng Philippine National Police kung saan naniniwala ang prosekusyon na may kinalaman din umano si Dela Rosa sa pagpapatupad ng nasabing drug war campaign.

Pansamantala ring isinailalim sa lockdown ang Senado habang tinatangkang lapitan ng mga ahente ng NBI si dela Rosa.

Dahil dito naghain na ang kampo ni Bato ng manifestation for immediate judicial protection sa Supreme Court.

Ayon kay bagong Senate President Alan Peter Cayetano, hindi aarestuhin si dela Rosa noong Lunes ng gabi matapos ang pakikipag-usap niya kay NBI Director Melvin Matibag.

Sinabi ni Cayetano na posisyon ng Senado na dapat munang dumaan sa mga korte sa Pilipinas ang usapin ng pag-aresto bago ipatupad ang warrant.

Samantala, tumanggi namang magbigay ng komento si Duterte hinggil sa pagpapalit ng liderato sa Senado na nagresulta sa pagpapatalsik kay dating Senate President Vicente Sotto III.