Kinumpirma ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, M/Gen. Vicente Danao na magpapatupad sila ng signal jamming sa ilang bahagi sa Quezon City bukas, ang huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Pinapayagan na rin ang mga magpoprotesta sa ilang mga piling lugar sa Quezon City.
Ayon kay Danao may mga specific areas na hindi gagana ang signal dahil may ilalagay silang jammer.
Binigyang-diin ni Danao, para maiwasan ang bigat ng daloy ng trapiko at pigilan ang transmission ng COVID-19 virus, nagkasundo ang Quezon City authorities at mga raliyesta na ang mga anti-government protests ay gagawin sa limitadong lugar.
Ayon sa heneral, hanggang sa St. Peters church sa Tandang Sora ang maximum na pwedeng puntahan ng mga protesters.
Magkakaroon din ng pro-Duterte rallies sa lugar kung saan una ng napagkasunduan.
Hiniling naman ng PNP sa mga organizers ng mga magsasagawa ng kilos protesta na mahalaga na ibigay ng mga organizers ang pangalan ng lahat na lumahok sa rally para sa contact tracing.
Sa kabilang dako, inihayag ni Danao na walang namo-monitor na banta sa seguridad ang PNP sa SONA ng pangulo.
Nasa 15,000 police personnel kasama ang mga force multipliers ang idi-deploy ng PNP para magbigay seguridad sa SONA.