-- Advertisements --

Nagpakitang-gilas ang mga atleta mula sa National Capital Region (NCR) sa unang araw ng 2025 Palarong Pambansa na ginaganap sa Ilocos Norte.

Hawak na ng NCR ang pangkalahatang liderato sa medal tally matapos humakot ng 16 na gintong medalya, kasama ang 10 silver at tatlong bronze. Pumapangalawa ang Region IV-A (CALABARZON) na may 12 gold medal, 12 na silver, at anim na bronze.

Umarangkada ang NCR sa gymnastics kung saan agad nitong sinungkit ang 16 ginto sa unang araw ng kumpetisyon sa Ferdinand E. Marcos Memorial Stadium sa Laoag.

Sa elementary boys’ gymnastics, nagwagi ng apat na ginto si Arman Hernandez ng Don Carlos Village Elementary School sa horizontal bar, vaulting table, floor exercise, at team championship kasama sina Deen Gungob at Kizz Gungob.

Sa table tennis, nanaig ang koponan ng NCR sa secondary girls’ category sa pangunguna nina Farhana Abdul, Kaira Agreda, Christine Golez, at J-an Sanchez mula sa UST. Panalo rin ang secondary boys’ team na pinangunahan nina Jebb Datahan, Carlos Docto, Emmanuel Paculba, at Emmanuel Yamson laban sa Western Visayas.

Samantala, sa athletics, nagtala ng dalawang ginto ang NCR, kabilang ang tagumpay ni Cris Ivan Domingo ng Malabon sa elementary boys’ 400m race matapos talunin sina Efren Gempeson ng Western Visayas at Keian Penaso ng Region 12.