-- Advertisements --


Ikinukonsidera muli ng OCTA Research group ang National Capital Region (NCR) sa low-risk category kasunod nang pagtaas ng reproduction number sa rehiyon.

Sa kanilang pinakahuling datos, sinabi ni OCTA fellow Dr. Guido David na ang reproduction number sa ngayon sa NCR ay umakyat na sa 0.85.

Bagama’t hindi pa naman aniya ito pasok sa basehan nila ng alarming level, iginiit ni David na kailangan pa rin itong bantayan.

Nabatid aniya na bukod sa reproduction number ay tumaas din ang positivity rate sa NCR.

Sa kasalukuyan ay nasa 1.4 percent na ito, mas mataas kaysa 0.6 percent noong nakaraang linggo.

Nakikita nila David na ang pagdalo ng mga tao sa mga party at pagtitipon-tipon bilang isa sa mga posibleng dahilan nang pagtaas ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) cases sa mga nakalipas na araw.

Ngayong tumataas ang reproduction number at positivity rate sa Metro Manila, nilinaw ni David na hindi naman dapat mag-panic ang publiko.

Pero sa kabila nito ay aminado rin siya na wala pa silang “complete pictures” ng sitwasyon.

Gayunman, matatandaan naman daw na noong nakaraang taon ay nagkaroon din ng “holiday uptick” noong Disyembre pero kalaunan ay naayos din naman ito.

Dagdag pa niya, maaring pansamantala lamang ang nararanasang pagtaas ng COVID-19 cases dahil sa holidays.