Opisyal nang ipinroklama ng Commission on Elections (COMELEC) na tumatayong National Board of Canvassers, ang Gabriela Women’s Party-list bilang ika-64 na panalong party-list na uupo sa 20th Congress.
Si Rep. Sarah Elago ang magiging kinatawan ng Gabriela sa Kamara, at maaari na itong manumpa sa isang Quezon City judge ng Department of Justice at sa Speaker of the House bago tuluyang makaupo sa puwesto.
Ayon kay Elago, handa na silang agad na maghain ng mga panukalang batas na nakatuon sa pagsusulong ng disenteng sahod at trabaho para sa taumbayan, pagbaba ng presyo ng mga bilihin, at pagtiyak sa maayos na edukasyon at serbisyong pangkalusugan sa bansa.
Samantala, kasabay ng proklamasyon, naghain naman ng petition for certiorari with prohibition at urgent application for a temporary restraining order ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa Korte Suprema. Layunin nito na ipawalang-bisa ang proklamasyon ng Gabriela Party-list.